Linggo, Mayo 8, 2016

a silent soliloquy

Masaya nung una, oo. Pero ngayong mga nakalipas na araw, puro kalumbayan, kalungkutan, katamlayan at kung anu-ano pang negatibong salita ang nararamdaman ko ngayon.

Suntok sa buwan ka na lang talaga. Kahit na magkaroon ng milagro at makausap kita, maging close tayo, maging tayo, well, kasalanan na nga na isipin ko na magiging tayo, marami pa rin ang mga bumabalakid sa isipan ko na hindi pa rin ako nararapat para sa iyo.

Hindi naman ako kagwapuhan, kung tutuusin parang ang pangit ko nga eh. (Walang halong pagpapakumbaba ito, ito ay base lamang sa paningin ko sa sarili ko.) Hindi rin malaki ang katawan ko, konting kibot na nga lang puro buto na lang ako. Paano mo pa kaya ako yayakapin kung parang saranggola ako? Hindi rin ako matalino o mayaman. Mahina ako sa math at sumasakay lang ako ng jeep at traysikel papasok at pauwi, konting Ding Dong at green peas lang ayos na ko.

Kung sabagay, madami naman dyang iba. Mas gwapo, mas malaki ang maskels, may diploma o may tsikot pa. 'Yung tipong babagay sa 'level' mo. Hindi ko sinasabing mataas ang sukatan mo sa pagpili ng lalaki, pero naiisip ko lamang siyempre 'yung mga kagustuhan mong katangian sa isang lalaki. Malay mo tsinito pala ang hanap mo. Maputi, matangkad, magaling mag-ingles, friendly at socially confident.

Wala man akong maipagyayabang sa mundo, pero siguro ang katapatan at wagas na pag-ibig ang maibibigay ko sa kung sino mang tanga ang mahulog para sa'ken. Kasi naman 'diba, napakaswerte ko kung makahanap ako ng taong iintindi at tatanggap sa'ken sa kabila ng aming pagkakaiba. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, madali maghanap ng taong gusto mo, pero mahirap maghanap taong magugustuhan ka.

Hindi ko alam kung ayaw ko lang bigyan ng chance ang sarili ko, pero ewan ko, feeling ko walang kang mapapala sa'ken. O kung sino pa man magtangkang mahulog. Dapat talaga bina-balewala ko na lang 'tong mga nararamdaman ko, dahil sa tuwing nararamdaman ko ang ganito eh sumusuko na rin naman agad ako.

Pero ewan ko pa rin. Kasi naman eh. Ibang level ka talaga. Ni minsan sa buhay ko hindi ko inaasam kahit makasama o makausap man lang ang isang kagaya mo. Bakit pa ako aasa, hindi ba? Malamang sa malamang e hindi mo na pinagtutuunan ng pansin ang mga kagaya ko. O siguro nga sadyang mababa lang ang tingin ko sa sarili ko.

Hanggang dito at dito ko na lang yata maihahayag ang nararamdaman ko para sa'yo. Ano nga ba ang nararamdaman ko? Bakit ganito? Hindi naman tayo halos mag-kakilala. Pero sa tuwing nakikita kita halos nagiging pipi ako kapag kaharap ka. Hindi ako makapag-isip ng maayos. Nasasaktan ako tuwing naiisip kong wala talaga kong magawa sa tuwing may mga pagkakataon na dumarating para tayo ay magka-usap man lang. Nasasaktan akong mapupunta ka sa iba dahil hinayaan ko na lang na mangyari ito. Pero kahit na, 'diba? Nakahanap ka ng taong magmamahal sa'yo, iyong aalagaan ka at ituturing kang reyna ng kanyang mundo. O kay sarap isipin ang sitwasyon ng masuwerteng lalaking ito kung sakali.

Siguro, sa mga lilipas na araw, ang tanging hiling ko lang ay maging masaya ka. Wala man akong magawa para sa sarili ko, basta ayos ang kalagayan mo ay okay na din ako doon. Pasensya na nga pala kung parang feeling close ako dito. Dito ko na lang kasi yata kita makakausap, kahit sa imahinasyon ko na lang.

Ngayon lang uli ata ako nakapag-post ng ganito kahaba. Kahit yata lasing ako hindi ko ito magagawa. Iba ka. Maraming salamat, kahit sa konting panahong pag-sasamahan natin, kahit ka-buhok ay naging parte ako ng buhay mo.

Salamat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento